
Iniugnay ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ang pagbagal ng inflation rate sa 6.8% para sa buwan ng Mayo 2026 sa maagap at napapanahong pagtugon ng pamahalaan para mabawasan ang epekto ng “external shocks” sa bawat pamilyang Pilipino.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Biyernes, Hunyo 5, bahagya itong mabagal kumpara sa 7.2% na antas ng inflation noong Abril 2026.
Nakatulong sa inflation rate ang mas mabagal na pagtaas sa transport costs na bumaba sa 16.2% kumpara sa 21.4% noong Abril.
Dulot ito ng mas mabagal na pagtaas sa presyo ng diesel na umabot sa 58.5% mula sa 122.7%, at gasolina na umabot sa 51.6% mula sa 59.6%.
Samantala, nakaranas din ng pagbagal sa food inflation patungo sa 5.8% nitong Mayo kumpara sa 6.1% noong Abril.
Pangunahing nag-ambag sa pagbaba nito ang mas mabagal na pagtaas sa presyo ng mga gulay (6.2% mula sa 10.4%) at isda (8.8% mula sa 9.4%).
Paliwanag ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, nakatulong ang maagap at targeted interventions ng pamahalaan gayundin ang mabilis na pagtugon at koordinadong mga polisiya na mangangalaga sa mga konsyumer at sa katatagan ng ekonomiya.
Pinagaan din ng mga programa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo sa mga komyuter, transport workers, at mga negosyante.
Partikular na rito ang pagbibigay ng fuel assistance sa public utility vehicle operators at drivers, at pagtiyak may sapat na suplay ng langis sa bansa. – IP











