Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdating ng nasa 300 Afghan nationals sa Pilipinas para sa pagproseso ng kanilang Special Immigrant Visas (SIV) patungong United States.
Sila ay bibigyan ng hanggang 59 araw upang kumpletuhin ang aplikasyon para sa kanilang visa sa US Embassy in the Philippines.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, nagbigay sila ng tamang entry visa sa mga immigrant alinsunod sa mga umiiral na regulasyon.
Dumaan ang mga aplikante sa pagsusuri ng mga kinauukulang national security agencies ng bansa habang isinailalim din sila sa lahat ng medical screening.
Ang kanilang pagdating ay bahagi ng kasunduan ng Pilipinas at US para tapusin ang proseso ng kanilang resettlement sa Amerika sa loob ng 100 araw mula sa pagdating ng unang aplikante.
Nakatakda silang ilipat sa isang pasilidad na pinondohan ng gobyerno ng US at maaari lamang lumabas para sa kanilang interview.
Tiniyak naman ng DFA na walang magiging problema ang kasunduan at hindi ito magiging banta sa mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtutulungan ng Pilipinas at US para matulungan ang Afghans na makapagsimula. – VC