Umabot sa P109,780,000 ang halaga ng tulong na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga biktima ng bagyong Kristine sa lalawigan ng Batangas kasabay ng paggunita ng Day of National Mourning nitong Lunes, Nobyembre 4.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., nakatanggap ng tig-P10 milyon ang munisipalidad ng Talisay, Laurel, Agoncillo, Cuenca, Lemery, at Balete sa Batangas mula sa Department of Social Welfare and Development ( DSWD).
“Ang Tanggapan ng Pangulo, sa pamamagitan ng DSWD, ay magbabahagi ng animnapung milyong piso na tulong sa anim na munisipalidad ng Batangas, kasama ang bayan ng Laurel. Maghahandog po tayo ng tig-sampung libong piso sa mga piling mangingisda at magsasaka para kayo ay makapagsimulang muli,” saad ng Pangulo.
Samantala namahagi rin ng tig-P10,000 ang Office of the President (OP) sa 4,378 na piling mga benepisyaryo sa munisipalidad ng Agoncillo (1,599); Laurel (1,500); at Talisay (1,279).
Housing materials na nagkakahalaga naman ng P6 million ang hatid ng donasyon ng Metrobank Foundation, Inc. sa pamamagitan ng Department of Social Housing and Urban Development (DHSUD) kung saan nakatanggap ang lungsod ng Talisay ng 159 kits, at tig-200 kits naman ang para sa Agoncillo at Laurel.
“Sama-sama po tayong magtanim ng pag-asa at magtulungan para sa mas ligtas, handa, at progresibong Bagong Pilipinas,” mensahe ng Pangulo sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Tinatayang nasa P5.9 billion ang halaga ng pinsalang dala ng bagyong Kristine pati na ng nagdaang Super Typhoon Leon sa sektor ng agrikultura habang P7.9 billion naman ang halaga ng mga nasirang imprastraktura.
Sa kabuuan ay nakapaghatid na ang pamahalaan katuwang ang mga non-government organizations (NGO) ng P1.2 billion halaga ng tulong para sa mga apektadong pamilya sa bansa. – AL