
Nakatakdang ipatupad ngayong Hulyo 2025 ang unified 911 emergency system sa mga piling rehiyon sa bansa, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang emergency response system ng bansa gamit ang makabagong teknolohiya.
Unang isasakatuparan ang bagong 911 system sa National Capital Region (NCR), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Regions 1 at 7.
Ayon sa kalihim, may kakayahan na ang bagong system na mag-stream ng live video, may geolocation para sa eksaktong lokasyon ng tumatawag, at mas pinahusay na teknolohiya laban sa prank calls—isang problemang matagal nang iniinda ng mga awtoridad.
“We are going to deploy the latest technology in the world. Puwedeng streaming, maipapakita mo kung anong nangyayari sa iyo, may geolocator, para malaman kung nasaan ka,” paliwanag ni Remulla.
Bilang isang pangmatagalang plano, tiniyak ni Remulla na hindi ito basta mawawala sa kabila ng pagbabago ng administrasyon.
“Continuing investment yan, so hindi mo puwedeng sabihin na one year lang yan, sa susunod na taon papalitan na naman. It’s a ten-year investment plan,” dagdag niya.
Samantala, ang mga dating hotline gaya ng 117 ng PNP ay gagamitin bilang command centers upang tumugon sa mga tiyak na insidente gaya ng krimen at sunog, habang ang unified 911 ay magsisilbing centralized emergency line para sa lahat ng uri ng sakuna at insidente. – VC