IBCTV13
www.ibctv13.com

Nat’l at local gov’t, naka-high alert sa posibleng epekto ng Typhoon Leon

Ivy Padilla
318
Views

[post_view_count]

Apayao Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Emergency Operations Center is on red alert status while personnel on duty continue to monitor Typhoon Leon. (Photo by Apayao PDRRMO)

Nakaalerto na ang pambansa at mga lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng Typhoon Leon sa mga lugar na madadaanan ng bagyo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga apektadong residente sa bansa.

Sa isang special report, kinumpirma ni Batanes Gov. Marilou Cayco na patuloy ang ‘evacuation efforts’ sa mga residenteng inaasahang maaapektuhan ng bagyong Leon.

Naka-deploy na rin sa mga evacuation center ang mga healthcare at social welfare personnel na aalalay sa mga bakwit.

Iniulat din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary for Disaster Response Management Group (DMRG) Diana Rose Cajipem ang naka-preposisyon na nasa 2,000 family food packs (FFPs) sa Batanes.

Nakatakda pa itong madagdagan ng 5,500 FFPs na ihahatid ng Philippine Coast Guard (PCG) vessel mula Pangasinan.

“We will coordinate with the Office of the Civil Defense (OCD) kasi kapag nag clear mas mabilis po tayo makapagpalipad through C130, definitely magdadala na tayo kaagad sa Batanes,” saad ni Cajipe.

Kasabay nito, inanunsyo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na naka-standby na ang kanilang asset sa mga apektadong lugar ng bagyong Leon, lalo na sa Northern Luzon.

“Andito po ang inyong sandatahang lakas ng Pilipinas, tutulong po kami sa lahat ng aming makakaya. Huwag po tayong mag-panic, bagkus magtulungan po tayo para malampasan po itong hamon na hinaharap natin ngayon,” saad ni Padilla.

Patuloy ang paghihikayat sa mga apektadong residente, partikular na sa mga coastal barangay na lumikas sa mas ligtas na lugar kasabay ng mahigpit na pag-antabay sa lagay ng panahon. -VC

Related Articles