Naglabas ng Deactivation Order ang National Electrification Administration (NEA) laban sa Board of Directors ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) kasunod ng patuloy na pagtanggi at pagharang sa pagsasagawa ng halalan sa Districts VI, VII, at VIII.
Noong 2024, nanawagan ang Institutional Services Department (ISD) ng kooperatiba na isagawa na ang eleksyon.
Pinigilan ito ng ilang miyembro ng Board of Directors sa pamamagitan ng isang petisyon na tinanggihan ng Regional Trial Court.
Nagpatuloy ang PALECO sa kanilang pagtanggi kahit walang legal impediment. Tinanggal pa nila ang usaping ito mula sa agenda ng kanilang pagpupulong.
Hinihingan na ngayon ng NEA ang mga direktor ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot.
Ipinag-utos naman ng NEA ang pagtatag ng isang task force mula sa iba’t ibang electric cooperatives upang pansamantalang pamahalaan ang PALECO habang wala pang bagong board.
Sa huli, binigyang-diin ng NEA ang kanilang mandato na tiyakin ang wastong representasyon at pagsunod sa mga regulasyon sa lahat ng electric cooperatives. – VC