
Hindi inaalis ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posibilidad na matulad ang Pilipinas sa Nepal kung saan naganap ang mapaminsalang landslide at flash-flood, ngunit sinabing maaaring iba ang maging sanhi nito.
Sa Nepal, malalaking tipak ng yelo o glacier ang napaulat na nag-trigger sa pagragasa ng tubig, putik, at bato na umagos sa mga komunidad sa mabababang lugar.
Ayon kay DENR Assistant Director Karlo Keaño, may iba namang mekanismo sa Pilipinas na maaaring humantong sa ganitong uri ng trahedya.
“May pagkakaiba tayo dahil related siya dun sa either earthquake o malakas na ulan tapos nagco-cause ng landslide, babagsak sa ilog, maiipon ang tubig, tapos eventually, be-break ito at babagsak sa mga mababang lugar,” ani Keaño.
Dahil dito, binigyang-diin ng DENR ang kahalagahan ng pag-iwas sa mga lugar na may mataas na panganib ng landslide at pagbaha.
Ayon kay Keaño, dapat bigyang-pansin ng mga Pilipino ang adaptation at hindi lamang mitigation o pagtugon sa panganib.
“Ibig sabihin ng adaptation, as much as possible ay ang mga tabing-ilog, ideally ay hindi dapat tinitirahan kasi itong floodplain na katabi o lupa na katabi ng ilog, ay very prone ‘yan sa flood,” aniya.
Samantala, sinabi naman ni Buych Meily, presidente ng Philippine Disaster Resilience Foundation, na may malaking karanasan na ang Pilipinas sa iba’t ibang uri ng kalamidad, dahilan upang maging mas handa ang bansa sa mga ganitong insidente.
“The Philippines is one of the most experienced countries sa disaster. Consistently number 21 world index for four years in a row… lahat ng types of disasters na-experience na natin. We are in a sense better prepared than others with this type of disaster,” ani Meily.
Batay sa inilabas na ulat ng Nepal Tourism Board noong Huwebes, Agosto 27, umabot na sa higit 500 foreign nationals ang nawawala sa malagim na flash flood sa bansa noong Agosto 26.
Kabilang sa mga nawawala ang isang Pilipinong doktor na kinilala bilang si Juan Carlos Manalo.
Iniulat naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo, Agosto 30, na wala pang bagong impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ni Manalo. – VC











