
Pinag-aaralan ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagtatayo ng dalawang bagong dam malapit sa Pampanga River at Pantabangan Dam upang makatulong sa pagkontrol ng pagbaha sa Central Luzon.
Ayon kay NIA Administrator Engr. Eddie Guillen sa isang panayam sa DZRB 738 AM ng Radyo Pilipinas, ang isang panukalang dam malapit sa Pampanga River ay magkakaroon ng kapasidad na 570 milyong cubic meters o katumbas ng 570 bilyong litro ng tubig kapag ito ay puno.
Maliban sa pagiging flood control, maaari rin itong gamitin para sa irigasyon ng mga sakahan at paglikha ng kuryente sa pamamagitan ng hydropower.
Kinokonsidera rin ang isa pang dam malapit sa Pantabangan Dam.
Layunin ng mga panukalang proyekto na dagdagan ang kapasidad sa pag-iimbak ng tubig, lalo na kapag malakas ang pag-ulan, upang makatulong na mabawasan ang dami ng tubig na maaaring magdulot ng pagbaha.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng NIA ang lebel ng tubig sa mga kasalukuyang dam dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Sa Pantabangan Dam, tumaas ang lebel ng tubig ngunit nasa humigit-kumulang 30 metro pa ang kailangan bago umabot sa full capacity.
Sa Magat Dam, nasa tinatayang 10 metro pa ang lebel ng tubig bago umabot sa spilling level.
Kaugnay nito, binanggit ni Guillen ang Cabiao Water Impounding Project na kasalukuyang ginagawa sa Cabiao, Nueva Ecija, gayundin ang dam na naitayo ng ahensya sa Porac, Pampanga, na aniya ay may malaking tulong sa lalawigan.
Sinabi ni Guillen na patuloy ang suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pondo ng NIA, na nagbibigay-daan para maisagawa ang mas maraming imprastraktura.
“Full support kasi ang ating presidente sa pondo ng NIA kaya marami tayong nagagawa,” ani Guillen. – VC











