Nag-abiso ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa publiko na pansamantala nang isasara ang Terminal 4 ng paliparan sa darating na Nobyembre upang bigyang-daan ang isasagawang ‘major renovation’ dito.
Ang Terminal 4 ang pinakamatanda at pinakamaliit na terminal ng NAIA.
Ayon kay NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) General Manager Angelito Alvarez, inaasahang muling magbubukas ang naturang terminal sa Pebrero 2025.
Nitong Setyembre, opisyal nang nai-turn over ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ang pamamahala ng operasyon sa NNIC.
Tinatayang nasa P144-bilyong halaga ang ilalaan ng NNIC para sa pagsasaayos at pagpapaganda ng NAIA sa ilalim ng 15-year concession agreement.
Inaasahang mapapalawak nito ang kapasidad ng paliparan mula 35-milyong pasahero patungong 62-milyon taun-taon, gayundin ang air traffic movement mula 40 movement per hour patungong 48 movement per hour.
Nakikita ring makalilikha ng humigit-kumulang 58,000 trabaho ang rehabilitasyon ng NAIA.