Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang National Security Council (NSC) kaugnay sa pagkakaaresto ng tatlong Pilipino sa China matapos paghinalaan bilang espiya sa naturang bansa.
Ayon kay NSC Assistant Director-General Jonathan Malaya, dating iskolar ng Hainan Government Scholarship Program ang mga hinuling Pilipino at pumunta lamang sa China para mag-aral.
“They are ordinary Filipino citizens with no military training. They are law-abiding citizens with no criminal records and were vetted and screened by the Chinese government prior to their arrival there,” pagbibigay-diin ni Malaya.
Tinuligsa rin ni Malaya ang video mula sa Chinese media na nagpapakita ng umano’y “confession” ng mga Pilipino na aniya’y mukhang ‘scripted’ at sapilitang pinagawa.
Giit ng konseho, posibleng ganti ito ng China sa mga naunang lehitimong pag-aresto ng Pilipinas sa mga Chinese agent at kasabwat nito na sangkot sa mga iligal na operasyon sa bansa.
“The arrests can be seen as a retaliation for the series of legitimate arrests of Chinese agents and accomplices by Philippine law enforcement and counter intelligence agencies in recent months,” saad ng NSC.
Nananawagan ang NSC sa China na igalang ang karapatan ng mga inarestong Pilipino at tiyaking sasailalim ang mga ito sa tamang due process.