Magbibigay ang National Tobacco Administration (NTA) ng P100 milyon na pondo para sa mga kwalipikadong magsasaka ng tobacco sa buong bansa para sa cropping year 2024-2025.
Makakatanggap ang bawat benepisyaryo ng P6,000 na cash assistance ngayong darating na Disyembre 15.
Ang pondo ay bahagi ng pagsisikap na suportahan ang industriya ng tobacco, batay sa naging pagpupulong ng NTA governing board na pinangunahan nina Agriculture Undersecretary Deogracias Victor Savellano at NTA Administrator Belinda Sanchez.
“This initiative, under the administration of President Ferdinand R. Marcos Jr. and Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., aims to bolster the production of high-quality tobacco. The tobacco industry remains a vital pillar of the national economy, contributing 1 percent to GDP and 6 percent to annual tax revenue,” saad ni Savellano.
Ang mga benepisyaryo ay pinili batay sa mga alituntunin mula sa mga tanggapan ng NTA.
Ang mga magsasaka na bahagi ng Tobacco Contract Growing System (TCGS) ay dapat may tanim na tobacco sa isang hektarya o mas kaunti, habang ang mga hindi bahagi ng TCGS ay dapat may tanim na kalahating hektarya o mas kaunti.
Kailangan din nilang maging rehistradong magsasaka at may kakayahang pamahalaan ang kalidad ng kanilang produksyon. – VC