IBCTV13
www.ibctv13.com

OCD, naka-high alert sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon; Naghahanda ng ayuda para sa mga apektado

167
Views

[post_view_count]

Mayon Volcano recorded a moderately explosive eruption last Friday, October 30, sending a rapidly ascending ash plume 3 kilometers high above the crater. (Photo courtesy of Judell/Precious)

Kasalukuyang naka-red alert ang Emergency Operations Center ng Office of Civil Defense (OCD) bilang paghahanda sa posibleng paglakas ng aktibidad ng Bulkang Mayon at pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

Ayon kay OCD Public Information Officer Alexis Naz, mahigpit ang koordinasyon ng ahensya sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (APSEMO).

Ito ay kasunod ng naitalang mahinang pagsabog ng bulkan noong Oktubre 30.

Una nang namahagi ang OCD ng mga face mask sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga lugar na nakaranas ng ashfall kahit malayo sa bulkan.

Sa ngayon, tinitignan ng ahensya ang pagbibigay ng karagdagang ayuda para sa pamahalaang panlalawigan ng Albay sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

Sa pinakahuling tala, umabot na sa 10 evacuation center ang binuksan para sa 525 pamilya o kabuuang 1,933 indibidwal mula sa mga bayan ng Camalig at Malilipot, gayundin sa mga lungsod ng Ligao at Tabaco.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pamamahagi ng DSWD ng family food packs (FFPs) at hygiene kits sa mga evacuation center upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga inilikas na residente.

Inaasahan ding mabibigyan ng pagkakataong makilahok sa cash-for-work program ng pamahalaan ang mga apektadong residente bilang bahagi ng pagsisikap na makabangon ang mga komunidad.

Nakaantabay rin ang DSWD, DOH, Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang suportahan ang mga LGU sakaling mangailangan ng karagdagang tulong.

Muling namang iginiit ng OCD ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok at pagsasagawa ng anumang aktibidad sa loob ng 6-km permanent danger zone (PDZ) ng bulkan.

Hinimok din ng ahensya ang publiko na patuloy na sumunod sa mga abiso at panuntunan ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.

Sa huli, tiniyak nito ang tuluy-tuloy na pagbabantay ng kanilang mga tauhan sa Regional Operations Center upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang pagbabago sa sitwasyon ng bulkan. – IP