
Pinaghahanda na ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa posibleng epekto ng Tropical Cyclone Champi, na papangalanang Bagyong Rosal sa oras na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa datos ng PAGASA, inaasahang papasok ang Tropical Champi sa PAR bukas Oktubre 20, na posibleng mag-landfall sa Extreme Northern Luzon o Cagayan Valley.
Sa panayam sa “Boses” ng Radyo Pilipinas, sinabi ni OCD Spokesperson Junie Castillo na naglabas na ang kanilang ahensya ng direktiba sa mga regional office nitong linggo upang isagawa ang mga kinakailangang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhang lugar ang Extreme Northern Luzon, Bicol Region, at silangang baybayin ng Luzon.
Nakatakda ring magsagawa ngayong araw, Oktubre 19, ang OCD ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) upang matukoy ang inaasahang panahon ng pagdating ng bagyo, at ang posibleng tindi nito.
Ayon kay Castillo, bagama’t maaaring makatulong ang pag-ulan sa mga lugar na apektado ng tagtuyot, kailangan pa ring mag-ingat sa posibleng pagbaha dulot ng posibleng malakas na pag-ulan.
“Kahit hopeful na may pag-ulan sa mga lugar na ’yun, kailangan pa ring bantayan, kung sakaling mahaba at mabigat ang maging pagbaba ng ulan,” ani Castillo.
Pinayuhan ng OCD ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo at ulat ng PAGASA hinggil sa galaw ng Bagyong Champi.
Hinimok din ni Castillo ang publiko na sumunod sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad habang patuloy na binabantayan ang posibleng pagpasok ng bagyo sa bansa. – VC











