Dumating na sa Pilipinas ang overseas Filipino worker (OFW) at death row convict na si Mary Jane Veloso mula sa Jakarta, Indonesia pasado alas-5 ng umaga ngayong Miyerkules, Disyembre 18.
Agad itong dinala ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City kung saan siya pansamantalang ikukulong.
Bumuhos naman ang emosyon ng buong pamilya Veloso nang muling makita ang Pinay sa CIW matapos ang halos 15 taong pagkakabilanggo sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Dito ay personal na nanawagan si Mary Jane kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan siya ng ‘clemency’.
“Ang importante po mabigyan po ako ng clemency para makasama ko na po yung pamilya ko. 15 years po akong nakakulong. Ang pakiusap ko sa Pangulo sana bigyan ako ng clemency,” pakiusap nito kay Pangulong Marcos Jr.
Una nang nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na nasa pagpapasya ng Pangulo kung gagawaran si Veloso ng clemency.
“Lahat po naman ay aaralin ng mainam at masusing titingnan ng ating pamahalaan yung bagay na yan. But definitely that’s on the table at sinasabi naman ng ating Pangulo na it’s on the table ‘yan,” pagbibigay-diin ni DOJ Usec. Raul Vasquez.
Kasabay nito, pag-aaralan din aniya ng ahensya ang pagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA) at parole para sa OFW.
Sa ngayon ay bubuo muna ng board ang Bureau of Correction (BuCor) upang matingnan ang posibleng mangyari kay Veloso ngayong nasa kustodiya na siya ng pamahalaan.
Kasama rin sa tinitingnan ang posibilidad na maisama ang halos 15 taong ginugol ni Veloso sa kulungan sa Indonesia para maging kwalipikado sa isang parole.
Mananatili si Veloso sa ICW ng halos dalawang buwan para sa kanyang quarantine at isasagawang mga orientation, diagnostic evaluation, at initial security classification.
Tiniyak naman ng BuCor na hindi ihahalo si Mary Jane sa lugar na pinagkukulungan ng kanyang illegal recruiter kung saan nakabantay din daw ang ahensya para sa seguridad nito.
Matatandaang inaprubahan kamakailan ng pamahalaan ng Indonesia ang pagpapauwi kay Veloso sa Pilipinas bago sumapit ang Pasko. – IP/AL