IBCTV13
www.ibctv13.com

Ombudsman, nagsampa ng kaso sa Sandiganbayan vs DPWH officials, Sunwest kaugnay ng flood control projects sa Oriental Mindoro

Hecyl Brojan
288
Views

[post_view_count]

Photo from Office of the Ombudsman

Nagsampa na ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga unang kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Oriental Mindoro, kasunod ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Kabilang sa sinampahan ng graft at malversation cases si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-B, at ang Sunwest Corporation, na nadadawit sa iregularidad sa P289.5 million na road dike project sa Mag-asawang Tubig River na proyektong dapat sana’y napapakinabangan ng mga residente.

Ayon sa Ombudsman, walang piyansa sa “kasong malversation of public funds through falsification of public documents” alinsunod sa Article 217 at Article 171 ng Revised Penal Code at paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act.

Ikinatuwa naman ni ICI Executive Director Brian Hosaka ang nagging mabilis na aksyon mula nang isumite ang kanilang report noong Setyembre.

“Of course we’re very glad ‘no. Natutuwa kami kasi it was filed only last September 29 so that’s around less than 2 months ago and how swiftly things happen ‘no, na ngayon, masasampahan na ng kaso sa Sandiganbayan. Eventually a warrant of arrest […] and then we’ll be bringing these people to the court,” ani Hosaka.

Binigyang-diin naman ni DPWH Secretary Vince Dizon ang kahalagahan ng proseso bago tuluyang mapanagot ang mga may sala.

“Siguro ito na rin ‘yung sinasabi ng Pangulo ‘no na lahat tayo naiinip. Lahat tayo nagagalit. Ang taumbayan naiinip at nagagalit na. Pero kailangan nating sundin ‘yung proseso para na rin masigurado na managot talaga nang tuluyan ‘yung mga dapat managot,” ani kalihim.

Nagpasalamat naman si ICI Chair Justice Andres Reyes sa legal team at sinabing simula pa lamang ito ng mas malawak na pagsingil sa korapsyon.

Samantala, magsasagawa ang Bureau of Customs (BOC) ng public bidding para sa nakumpiskang sasakyan ng mag-asawang kontratistang Discaya bilang bahagi ng recovery efforts ng pamahalaan.

Patuloy din ang pagrerebyu ng ICI ng mga referral laban sa tatlong senador na nadadawit din sa alegasyon. (Ulat mula kay Sheila Natividad, IBC News) –VC