
Tinitiyak ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang mas mabilis at tiyak na pag-aksyon ng kanyang opisina sa mga hawak na kaso, kabilang ang may kinalaman sa anomalya sa flood control projects kung saan kinasasangkutan ng ilang kongresista.
Sa pagdinig ng P6.39-bilyong pondo ng Office of the Ombudsman para sa taong 2026 sa Senado, ibinahagi ni Remulla na bahagi ng reporma ng ahensya ang pagpapaikli ng proseso ng preliminary investigation mula anim na buwan hanggang isang taon patungo sa 60 araw na lamang.
Ayon sa Ombudsman, ang mga kasong may kumpletong ebidensya ay hindi na kailangang dumaan sa matagal na fact-finding stage, at agad nang isasailalim sa imbestigasyon.
Kasabay nito, hihilingin din niya sa Sandiganbayan ang “continuous trial” upang maiwasan ang mga delay sa paglilitis.
Inanunsyo naman ni Remulla na naisumite na sa Department of Justice (DOJ) ang mga dokumento kaugnay sa limang ghost flood control projects. Posibleng maisampa na ang mga kaso sa susunod na linggo.
“Panahon nang baguhin ang sistema. Gusto nating ipakita na mabilis, patas, at epektibo ang Ombudsman sa paghahatid ng hustisya,” ani Remulla.
Para naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, mahalagang matuldukan agad ang mga kasong ito upang mapanumbalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyong nagsusulong ng transparency at pananagutan sa pamahalaan. (Ulat mula kay Jaybee Santiago) –VC











