Opisyal nang nai-turn over ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ang pamamahala ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa San Miguel Corp-led New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ngayong Sabado, Setyembre 14.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng DOTr na nalagdaan na sa isang simpleng handover ceremony ang mga dokumento para sa paglipat ng pamamahala ng NAIA sa bago nitong private operator.
Kabilang sa mga dumalong opisyal sina DOTr Undersecretary for Legal Affairs Reinier Yebra, DOTr Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Lim, MIAA General Manager Eric Jose Ines, SMC Chairman Ramon Ang, at NNIC General Manager Lito Alvarez.
“The President and Secretary Bautista have hailed the significance of this project and hope to undertake more transport infrastructures in collaboration with the private sector. This day exudes of optimism and high hopes for a modern, safe, and comfortable airport for its citizens and visitors,” saad ni DOTr Usec Lim.
Tinatayang nasa P144-bilyong halaga ang ilalaan ng NNIC para sa pagsasaayos at pagpapaganda ng NAIA sa ilalim ng 15-year concession agreement.
Inaasahang mapapalawak nito ang kapasidad ng paliparan mula 35-milyong pasahero patungong 62-milyon taun-taon, gayundin ang air traffic movement mula 40 movement per hour patungong 48 movement per hour.
Nakikita ring makalilikha ng humigit-kumulang 58,000 trabaho ang rehabilitasyon ng NAIA.
“A world-class airport means more jobs, more tourists, and a stronger and more prosperous Philippines. NAIA is the first place travellers get of our country and we want the world to see it’s beauty and the incredible potential of the Filipino people. Let’s take pride in what we accomplished so far and everything we will accomplish together moving forward,” saad ni SMC Chairman Ramon Ang.
Kasabay nito, nilinaw ng DOTr na mananatiling pagmamay-ari ng pamahalaan ang nasabing paliparan.
Sa oras na matapos ang napagkasunduang concession period, ibabalik na muli ng NNIC ang buong operasyon nito sa DOTr at MIAA. -VC