
Inanunsyo ni Senador Bam Aquino na itutuon ang inaprubahang P1.38 trilyong pondo ng Department of Education (DepEd) sa taong 2026 para sa pagtugon sa classroom backlog at pagpapalawak ng school-based feeding program.
Naglaan ang Senado ng halos P70 bilyon karagdagang pondo para sa edukasyon, kabilang ang malaking pag-angat ng pondo para sa paggawa ng silid-aralan na mula P13.2 bilyon sa National Expenditure Program (NEP) patungong P65.9 bilyon o katumbas ng P52.7 bilyon na dagdag.
Ayon kay Aquino, malaking hakbang ito para mabawasan ang backlog na tinatayang aabot sa P540 bilyon upang ganap na maresolba.
Sa ngayon, may 165,000 classroom backlog ang bansa na maaaring umabot sa 200,000 sa loob ng tatlong taon kung hindi maaksyunan.
Ipatutupad ang konstruksyon sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, kabilang ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, Civil Society Organizations, at Public-Private Partnership.
Hinimok din ng senador si DepEd Secretary Sonny Angara na magtakda ng price cap sa bawat classroom upang mas marami ang maipatayo.
“At the price of less than PHP2 million [per classroom], we go from 23,000 to 32,000 [classrooms]. If we’re able to address the disparity, mas marami rin tayong magagawa,” aniya.
Sa usapin ng nutrisyon, itinutulak ng Senado ang pagtaas ng pondo para sa school-based feeding program mula P11.7 bilyon patungong P28.6 bilyon o katumbas ng dagdag na P16.9 bilyon.
“Lahat ng Kinder, lahat ng Grade 1, mayroon tayong pagkain para sa kanila for 200 days,” dagdag nito.
Ayon pa kay Aquino, lalawak pa ang programa mula 120 patungong 200 feeding days para sa lahat ng Kinder at Grade 1, habang tututukan naman ang “wasted” at “severely wasted” na mag-aaral sa Grades 2–6, kung saan tinatayang 3.5 milyong estudyante ang makikinabang. –VC











