Nakapagtala ang Board of Investments (BOI) ng P1.58 trilyong investment approvals mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon.
Ayon sa BOI, mas mataas ito ng 44% kumpara sa P1.101 trilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2023 kung saan nalalapit nang maabot ang P1.6 trilyong target ng pamahalaan.
Nangunguna sa aprubadong investments ay ang energy sector na may kabuuang P1.35 trilyon na mas mataas ng 48% sa nakaraang taon.
Kabilang din sa may malalaking kontribusyon ang air and water transport (P121.20 billion), real estate (P34.67-B), manufacturing (P30.40-B), water supply and waste management (P16.28-B), agriculture and fisheries (P10.47-B), wholesale and retail (P8.28-B) at information technology and business process management (P7.26-B).
Sinabi naman ni Trade Secretary at BOI Chairman Cristina Roque na ang paglago ay resulta ng mga polisiya at proyektong ipinatutupad ng pamahalaan na nagpapalakas din sa kumpiyansa ng parehong local at foreign investors.
Dagdag niya, ang mga proyektong maisasakatuparan sa pamamagitan ng mga pamumuhunan ay inaasahang magbibigay ng trabaho at oportunidad sa mga Pilipino at magbibigay ng suporta sa mga lokal na negosyo upang mapaunlad pa ang ekonomiya ng bansa. – VC