IBCTV13
www.ibctv13.com

P1-B halaga ng tulong, naipamahagi ng pamahalaan sa mga Pilipinong apektado ng Bagyong Luis, Maymay, at Habagat

75
Views

[post_view_count]

From rescue operations to relief assistance, MDRRMO and partner responders during their active operations in Apalit, Pampanga, Culasi, Antique, San Juan and Victoria in Batangas, and Santa Cruz, Occidental Mindoro amidst the onslaught of Habagat. (Photo courtesy of OCD)

Umabot na sa P1 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at pinalakas na Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sinabi ni OCD Information Officer Diego Mariano na patuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng ayuda sa mga apektadong komunidad.

Nakikipag-ugnayan din ang mga ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng patuloy na nakararanas ng pagbaha.

Batay sa pinakahuling datos ng OCD, nasa 1.9 milyong pamilya o 6.6 milyong indibidwal ang naitalang apektado ng weather disturbances.

Kabilang dito ang mga lalawigan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.

Nasa 15,500 pamilya o 52,500 indibidwal naman ang kasalukuyang nananatili sa 628 evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, 29 katao na ang kumpirmadong nasawi, habang 19 ang nasugatan at dalawa ang patuloy na nawawala.

Ayon kay Mariano, nagpapatuloy ang koordinasyon ng OCD sa mga LGU upang makahanap ng mga solusyon sa mga lugar na patuloy na binabaha.

“Pinamumunuan yan ng kani-kanilang LGU at ng DPWH para makita ang iba’t ibang solusyon para sa pagbaha,” ani Mariano.

Sa pinakahuling datos ng OCD, 519 lugar sa buong bansa ang nananatiling lubog sa tubig o nakararanas ng pagbaha.

Tiniyak naman ng ahensya na magpapatuloy ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng nasa evacuation centers at iba pang apektadong lugar.

“Tuloy-tuloy naman po ang pag-abot ng assistance dito po para sa ating mga kababayan,” ayon kay Mariano.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 88 mga lugar sa bansa ang isinailalim sa State of Calamity dahil sa epekto ng mga sama ng panahon. – VC