IBCTV13
www.ibctv13.com

P100-M pautang para sa mga magsasaka at mangingisda sa Quezon, inaprubahan ng DBP

Kristel Isidro
76
Views

[post_view_count]

DBP President and Chief Executive Officer Michael O. de Jesus and Bayanihan Bank, Inc. President/Director Jose Paolo M. Palileo during the loan signing ceremony between DBP and Bayanihan Bank, Inc. at the DBP Head Office in Makati City. (Photo from DBP)

Inaprubahan ng state-owned Development Bank of the Philippines (DBP) ang P100 milyong halaga ng credit assistance para sa isang rural bank sa Quezon na ilalaan para sa pautang sa mga magsasaka at mangingisda na nangangailangan ng karagdagang kapital para sa pagpapalawak ng kanilang kabuhayan.

Ayon kay DBP President at Chief Executive Officer Michael de Jesus, ang pautang ay ipinagkaloob sa Bayanihan Bank, Inc. sa ilalim ng Agriculture, Fisheries, and Rural Development (AFRD) Credit Facility ng DBP.

Layunin ng programa na mabigyan ng sapat na pondo ang maliliit na magsasaka at mangingisda upang mapalawak ang kanilang produksyon at mapalakas ang kanilang kakayahang tumugon sa lumalawak na pangangailangan ng merkado.

“We view this partnership with Bayanihan Bank as a strategic move to ramp up the DBP’s support to the agriculture and fishery sector, in recognition of the critical role that it plays in promoting inclusive economic growth particularly among the marginalized communities,” ani de Jesus.

Ang pondo ay inaasahang magagamit ng mga benepisyaryo para sa working capital, pagbili ng mga bagong kagamitan, at pagpapabuti ng mga pasilidad para sa kanilang operasyon.

Itinatag noong 1960, ang Bayanihan Bank, Inc., ay nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga komunidad sa kanayunan at sumusuporta sa mga micro at small business owners sa Quezon, Laguna, National Capital Region (NCR), at Pangasinan.

Iniulat ng DBP na umabot na sa P578.7 milyon ang kabuuang halaga ng mga pautang na inaprubahan nito sa ilalim ng AFRD program hanggang katapusan ng Abril.

Nakapagbigay ito ng benepisyo sa mahigit 1,500 magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay de Jesus, patuloy na naghahanap ang DBP ng mga katuwang na kooperatiba, rural banks, at microfinance institutions upang mas mapalawak pa ang nakikinabang sa kanilang financial assistance para sa mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta. – VC