
Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P15.1 bilyong emergency assistance para sa mahigit 608,000 miyembro at pensyonadong naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Inanunsyo ito ni GSIS President at General Manager Wick Veloso sa isang stakeholders’ dialogue, kung saan sinabi niyang nakahanda ang GSIS na pabilisin ang pagproseso ng insurance claims ng mga ahensya ng gobyerno na nasira ang mga ari-arian dahil sa lindol.
Ayon kay Veloso, prayoridad ng GSIS ang agarang pagbibigay ng tulong-pinansyal upang makatulong sa pagbangon ng mga apektadong miyembro, pensyonado, at mga partner government agency.
“Our thoughts are with our fellow Filipinos in Mindanao affected by this powerful earthquake. The GSIS is ready to provide accessible financial relief to help our members, pensioners, and partner government agencies recover and rebuild,” ani Veloso.
Bilang bahagi ng interbensyon, binuksan ng GSIS ang Emergency Loan Program para sa mga kwalipikadong aktibong miyembro at mga tumatanggap ng old-age at disability pension na naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar na idineklara ng kanilang local government units na nasa state of calamity.
Tatanggapin ang aplikasyon hanggang Setyembre 7, 2026.
Maaaring umutang ng hanggang P40,000 ang mga miyembrong may umiiral na emergency loan, ngunit hindi dapat lumampas sa P20,000 ang kanilang net proceeds.
Samantala, hanggang P20,000 naman ang maaaring hiramin ng mga kwalipikadong miyembrong walang kasalukuyang emergency loan.
May taunang interes na 6% ang pautang at maaaring bayaran sa loob ng 36 na buwan.
Direktang ipapasok sa ATM card ng borrower ang halaga ng inaprubahang loan.
Hinimok ng GSIS ang mga ahensya ng gobyerno, local government units at policyholders na may GSIS-insured properties na naapektuhan ng lindol na agad magsumite ng insurance claims upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga aplikasyon.
Patuloy naman na mino-monitor ng GSIS ang sitwasyon at tiniyak na handa itong pabilisin ang pag-apruba ng emergency loans at insurance claims upang masuportahan ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng lindol sa Mindanao. – VC











