
Nakatakdang dalhin ang P20 kada kilo ng bigas sa ilang mga KADIWA ng Pangulo store sa Pilipinas simula Biyernes, Mayo 2, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Bukas lamang ito para sa vulnerable sector tulad ng indigents, senior citizens, solo parents, at persons with disabilities kung saan ang bawat benepisyaryo ay maaaring makabili ng hanggang 30 kilo ng bigas kada buwan.
Bahagi ito ng pilot run ng ‘Bente Bigas Mo’ program sa Visayas na sisimulan na ngayong Huwebes, Mayo 1 kasunod ng produktibong pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 12 gobernador ng rehiyon kamakailan, nagsabing handang magbigay ng subsidiya para sa katuparan ng programa.
Maaari naman itong gawing available para sa lahat ng 10 pang lokal na pamahalaan na nakibahagi rin sa inisyatiba ng Visayas governors tulad ng San Juan sa Metro Manila, San Jose del Monte, Bulacan, Camarines Sur, at Mati City sa Davao Oriental.
Matatandaang inaprubahan ng Commission on Elections ang exemption sa Bente Bigas Program ngayong panahon ng eleksyon na inaasahang magpapaluwag sa mga warehouse ng National Food Authority (NFA) upang mapabilis din ang procurement mula sa mga lokal na magsasaka ngayong panahon ng anihan.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa 7.56 million na sako ng bigas ang kabuuang buffer stock ng ahensya. Ito na ang pinakamataas sa loob ng nagdaang limang taon kung saan sapat para mapakain ang mga Pilipino sa loob ng 10 araw.
“My directive to our teams on the ground is to purchase as much palay as possible, at P18 to P24 per kilo, to help boost farmers’ incomes,” ani Lacson.
Nauna nang inanunsyo ni Laurel na posibleng palawigin ang programang ito hanggang 2028 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na palawakin ito sa buong bansa. – VC