Inanunsyo ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na inaprubahan na ang taas pasahod para sa mga manggagawa sa Northern Mindanao, epektibo simula Enero 12, 2025.
Batay sa Wage Order No. RX-23, ang mga non-agricultural workers ay makakatanggap ng P23 na umento sa kanilang sahod, habang ang mga agricultural workers naman ay makikinabang ng kabuuang P35.
Nahahati sa dalawang bahagi ang taas-pasahod para sa mga agricultural workers: P23 sa Enero 2025 at karagdagang P12 sa Hulyo 1, 2025.
Sa ilalim ng bagong wage order, ang minimum wage rates sa rehiyon ay aabot na sa pagitan ng P446 at P461, na magtatanggal ng pagkakaiba sa sahod ng mga non-agricultural at agricultural workers.
Inaprubahan din ang P1,000 na dagdag para sa mga domestic workers, na maghahatid sa kanilang entry-level wage mula P5,000 patungong P6,000.
Matatandaang iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may higit higit sa 4.9 milyong minimum-wage earners ang makikinabang mula sa mga wage orders na ipinatupad sa 14 na rehiyon.
Sa kabila ng mga pagtaas na ito, patuloy ang DOLE sa pagsusuri at pagbuo ng mga programa upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa at matugunan ang mga hamon dulot ng ekonomiya. – VC