
Lumago ang mga pamumuhunan na pumapasok sa Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa para sa unang kwarter ng taon, na pumalo sa P42.46 bilyon ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) – Board of Investments (BOI).
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mataas ito ng 52.31% mula sa naitalang P27.99-B sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, at may “approved inflows” mula sa investment promotion agencies (IPAs).
Nangunguna ang South Korea bilang pinagkukunan ng pamumuhunan ng bansa na nagpasok ng P25.37-B o 59.51% ng “total approvals” sa Q1, na sinundan ng Singapore na may P3.18-B at China na may P2.54-B.
Ayon kay DTI Secretary at BOI Chairman Ma. Cristina Roque, ang matatag na performance ng Pilipinas sa unang kwarter ng taon ay malinaw na indikasyon sa pagiging magandang destinasyon ng bansa para sa mga dayuhang namumuhunan.
“Under the leadership of President Ferdinand R. Marcos Jr., reforms that improve the ease of doing business and strengthen the country’s competitiveness helped drive more than 50% increase in foreign investment approvals in the first quarter,” saad ng kalihim.
Samantala, pumalo sa P125.95-B ang kabuuang halaga ng aprubadong pamumuhunan mula sa IPA, kung saan umabot ang “domestic investments” sa P83.31-B.
Inaasahang lilikha ang mga proyekto ng 21,623 na trabaho para sa mga Pilipino at sa pagsusulong ng ekonomiya ng bansa.
Sa lahat ng IPAs, nananatili ang BOI bilang pinakamalaking contributor sa “total approvals” na umabot sa P58.20-B mula sa kabuuang 50 proyekto.
Para naman kay DTI Undersecretary at BOI Managing Head Ceferino Rodolfo, ang naging takbo ng foreign investment sa Q1 ng taon ay nagpapakita ng patuloy pa nitong pag-usad hanggang sa katapusan ng taon.
“This strong first-quarter performance sets the tone for sustained foreign investment inflows in the months ahead, driven by ongoing reforms, improved ease of doing business, and proactive investment promotion,” saad ni Rodolfo. – VC











