
Nagkaloob ng P5,000 cash assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 50 miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na natanggap sa isinagawang on-the-spot na Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair sa Pasay City noong Enero 31.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mula sa 76 benepisyaryo ng 4Ps na natanggap agad sa trabaho, 50 pa lamang ang dumaan sa assessment at validation ng Sustainable Livelihood Program (SLP) bilang kwalipikado sa Employment Facilitation (EF) Track.
Ang tulong pinansyal ay magagamit ng mga benepisyaryo para sa pagproseso ng kanilang employment requirements at bilang allowance sa pagkain o transportasyon sa pagpasok sa trabaho.
“They can also use the cash aid as food and transportation allowance for the first fifteen days of their work,” saad ni Dumlao.
Samantala, ilang benepisyaryo na natanggap din mula sa ginanap na job fair sa Iloilo, Tagum, at Dumaguete ang kasalukuyan nang sumasailalim sa assessment ng DSWD field offices sa kanilang rehiyon.
Tiniyak naman ng DSWD na tuluy-tuloy ang pag-arangkada ng Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair sa iba’t ibang probinsya upang mas marami pang benepisyaryo ng 4Ps ang matulungan na magkaroon ng mas maunlad na kinabukasan para sa kanilang sarili at pamilya. – VC