IBCTV13
www.ibctv13.com

P6.326-T Nat’l Budget sa 2025, pirmado na ni Pangulong Marcos Jr.

Divine Paguntalan
406
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos Jr. signed the 2025 National Budget on December 30, 2024. (Photo from PCO)
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 12116 o ang 2025 General Appropriations Act (GAA) na nagtatakda ng P6.326 trillion halaga ng national budget para sa taong 2025 ngayong Lunes, Disyembre 30.

Kasunod ito ng mabusising pag-aaral ni Pangulong Marcos Jr. sa naunang panukalang P6.352 trillion partikular na sa mga proyektong nakapaloob dito, kasama ang mga economic leader ng bansa.

Mula sa inisyal na panukalang budget sa susunod na taon ay na-veto ang P194 bilyong halaga ng mga probisyon na ‘inconsistent’ sa mga priority program ng administrasyon.

Kabilang sa mga na-veto ng Pangulo ay ang P26.065 billion na halaga ng proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at P168.240 billion na in-allocate sa ilalim ng ‘unprogrammed appropriations’.

“While the final version of the budget reflects many of our shared priorities, some provisions required careful scrutiny. The Filipino people have spoken: every centavo must go to programs that truly uplift lives, strengthen communities, secure the future development of the Philippines,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.

“We take our role as stewards of our taxpayers’ money seriously. And for this reason, after an exhaustive and thorough review, we have directly vetoed over PhP194 billion worth of the line items that are not consistent with our programmed priorities,” dagdag pa nito.

Tiniyak naman ng punong ehekutibo sa mga Pilipino na prayoridad ng pamahalaan sa taong 2025 ang social services, partikular ang edukasyon at kalusugan, gayundin ang sektor ng imprastraktura at agrikultura.

Kaugnay nito, kabilang sa mga malaking programa na tututukan aniya ng administrasyon ay ang Ayuda sa Kapos ang kita Program (AKAP) na ipatutupad sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA).

Matatandaang noong Disyembre 19 unang itinakda ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr. sa GAA, ngunit iniurong ito upang mas mapag-aralan pa ang bawat probisyon ng panukalang budget. – AL

Related Articles