IBCTV13
www.ibctv13.com

P6.352-T national budget sa 2025, pasado na sa Kamara; budget ng OVP, napagkasunduan sa P733-M

Ivy Padilla and Divine Paguntalan
265
Views

[post_view_count]

The House of Representatives approved on second and final reading the FY 2025 General Appropriations Bill, Wednesday, September 25. (Photo by Earl Tobias, IBC News)

Inaprubahan na ng House of Representatives ang P6.352-trilyong halaga ng 2025 national budget sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 25, isang araw matapos sertipikahan bilang ‘urgent’ ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

May kabuuang 285 kongresista ang bumotong pabor sa House Bill 10800 o ang 2025 General Appropriations Bill (GAB) habang tatlo ang hindi sumang-ayon at may zero abstention.

Binigyang-diin ni House Speaker Martin Romualdez na ‘on time’ ang pag-apruba sa 2025 national budget na tanda lamang ng kahandaan ng pamahalaan na pondohan at isagawa ang mga nakalinyang programa at flagship projects.

“We remain true to our objective to pursue an agenda for prosperity, and enable every Filipino to directly experience and equitably share in the gains brought by our collective and solid efforts,” pagtitiyak ni Romualdez.

Sa kabila naman ng sunud-sunod na hindi pagdalo sa budget deliberations ni Vice President Sara Duterte na nag-udyok sa maraming mambabatas na gawing zero budget ang ahensya, nagdesisyon ang Kamara na gawing P733-milyon ang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) mula sa unang P2.037-bilyon.

Kasunod ito ng panawagan ni House Speaker Romualdez na dapat “magkaroon ng sapat na badyet ang Office of the Vice President para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan.”

Matatandaang binawasan ng House Committee on Appropriations ang halaga ng panukalang badyet ng OVP ng P1.293-bilyon para ilipat sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

Ayon sa komite, hahatiin ito upang magkaroon pa ng tig-P646-milyon karagdagang pondo ang Assistance to Individuals In Crisis Situations (AICS) program ng DSWD at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng DOH.

Napag-alamang kalinya lamang ng AICS at MAIFIP ang programa na gustong pondohan ng OVP.

“Mas mainam na ang mga serbisyong ito ay pamahalaan ng mga ahensyang mas sanay at may kakayahan,” paglilinaw ni Romualdez. -VC