
Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang P6.793 trilyong halaga ng national budget para sa taong 2026 sa isinigawang Cabinet meeting ngayong Martes, Hulyo 15 sa Malacañang.
Ito ay 7.4% na mas mataas kumpara sa P6.326-T na inaprubahan para sa 2025 national budget at katumbas ng 22% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, batay sa presentasyon ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
“The President himself sat down with the different agencies to ensure that all our priorities are aligned towards our common goal of achieving our vision of a Bagong Pilipinas,” saad ni Pangandaman.
Nais bigyang-prayoridad sa panukalang pondo ang mga programang makatutulong sa bawat Pilipino lalo na sa sektor ng edukasyon, kalusugan, trabaho, agrikultura, imprastraktura at iba pang serbisyong panlipunan.
Ang malaking bahagi ng budget ay ilalaan sa mga sumusunod:
- Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE): P2.639 trilyon
- Sweldo at benepisyo ng mga kawani ng gobyerno: P1.908 trilyon
- Imprastraktura o Capital Outlays: P1.296 trilyon
- Financial Expenses: P950 bilyon
Bagaman umabot pa sa higit P10 trilyon ang panukalang pondo na isinumite ng iba’t ibang ahensya, pinili lamang ang pinakamahalaga at pinaka-epektibong programa na nakaangkla sa layunin ng administrasyon dahil sa limitadong pondo at pagbabayad ng utang ng pamahalaan.
Ang National Expenditure Program (NEP) ay ipapasa ni Pangulong Marcos Jr. sa Kongreso sa loob ng 30 araw matapos ang pagbubukas ng regular session.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangang mapagtibay ng Kongreso ang General Appropriations Act bago matapos ang taon upang maipatupad ang bagong budget pagsapit ng Enero 2026. – VC