Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Biyernes, Disyembre 20, ang kabuuang P60-milyong halaga ng tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Kanlaon Volcano sa Negros Island.
Sa ginanap na pulong kasama ang mga lokal na opisyal at disaster management representatives, personal na ibinigay ni Special Assistant to the President (SAP) Secretary Antonio Lagdameo Jr. ang tig P30-milyong halaga sa Canlaon City at probinsya ng Negros Oriental.
Kabilang sa mga dumalo sina Negros Oriental Congressman Chiquiting Sagarbarria, Governor Chaco Sagarbarria, Canlaon City Mayor Batchuk Cardenas, at Office of Civil Defense Central Visayas and Vice Chairperson of the Regional Task Force Kanlaon Director Joel Erestain.
Una nang iniulat ng Canlaon City na tanging mga Internally Displaced Persons (IDPs) lamang ang kaya nilang suportahan sa loob ng tatlo hanggang apat araw.
Nauubos na rin anila ang Quick Response Fund (QRF) ng nasabing lungsod kung kaya’t hindi ito makapagbigay ng sapat na tulong sa mga apektadong residente.
Samantala, hirap naman ngayon ng Negros Oriental na magdeklara ng state of calamity dahil sa ‘legal restrictions’.
Nagpasalamat naman si Director Erestain kay Pangulong Marcos Jr. para sa ibinigay nitong tulong sa kanilang nasasakupan.
“We are grateful to President Marcos for this early Christmas gift. This funding will significantly ease the burdens of those affected by the Kanlaon eruption, especially the IDPs who will spend the holiday season in evacuation centers. It is a crucial step in ensuring that our communities receive the support they need during this challenging time,” pasasalamat ni Dir. Erestain.
Iniulat din nito na dinagdagan na ng OCD Central Office ang fuel allocation para sa QRF na umabot na sa P1-milyon kada buwan para suportahan ang pangangailangan ng mga taga-Canlaon City.
“This fuel will be used for relief operations, including transportation, the use of heavy equipment for clearing operations, and generators. In total, this will provide approximately 4,450 liters of gasoline and around 13,350 liters of diesel,” dagdag nito. – AL