
Mula sa mahigit P11 trilyong mungkahing pondo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pinili lamang ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga programang itinuturing na kinakailangan, handang ipatupad, at may pinakamalaking pakinabang sa mga Pilipino para sa P7.2-T panukalang pambansang pondo para sa 2027.
Ito ang sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Lunes, Agosto 17, kung saan ipinaliwanag niyang kinailangang magtakda ng mga prayoridad dahil higit na malaki ang kabuuang panukalang pondo ng mga ahensya kumpara sa fiscal space ng pamahalaan.
“The NEP is not a compilation of everything government agencies asked for. It is the result of choices and prioritization within the fiscal space available to the government. In simpler terms, the NEP is never a wish list. It is a prioritized spending plan,” ani De Leon”
Sa panukalang FY 2027 budget, pinakamalaking bahagi ang mapupunta sa social services na may P2.456 trilyon o 34.1% ng kabuuang pondo.
Saklaw nito ang pagbibigay suporta sa edukasyon, kalusugan, social protection, employment, pabahay at iba pang pangunahing serbisyong direktang nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Samantala, P1.833 trilyon o 25.5% naman ang inilaan para sa economic services, kabilang ang pagbibigay suporta sa imprastraktura, agrikultura, transportasyon at digital connectivity na inaasahang makatutulong sa paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng oportunidad sa ekonomiya.
Nanatili namang pangunahing prayoridad ang edukasyon, na may kabuuang panukalang P1.326 trilyon para sa basic at higher education.
Katumbas ito ng halos 4% ng gross domestic product (GDP) at ikalawang pagkakataon na maaabot ng bansa ang benchmark ng UNESCO para sa education spending.
Kabilang dito ang P975.96 bilyon para sa Department of Education (DepEd) at P176.5 bilyon para sa higher education, na gagamitin para sa mga programa para sa mga mag-aaral at guro, libreng kolehiyo at iba pang human capital investments.
Samantala, P1.467 trilyon naman ang iminungkahi para sa Build Better More Infrastructure Program, katumbas ng 4.4% ng GDP.
Hindi lamang mga kalsada at tulay ang sakop ng pondo kundi pati mga proyekto sa public works and highways, transportasyon, agrikultura, edukasyon, depensa, digital infrastructure at kalusugan.
Para naman sa health sector, P353.8 bilyon ang iminungkahi para sa Department of Health (DOH), specialty hospitals at PhilHealth upang mapalakas ang access ng publiko sa quality healthcare.
Sa sektor ng agrikultura, P261.7 bilyon ang inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda, irigasyon, agrarian reform, food production at iba pang programang naglalayong pataasin ang produktibidad at palakasin ang food security sa bansa.
May P241.6 bilyon naman para sa Department of Social Welfare and Development, kabilang ang P99.08 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na nagbibigay ng health, education, nutrition at rice subsidies sa mga kwalipikadong pamilya.
Samantala, P86.27 bilyon ang nakalaan para sa Judiciary upang mapalakas ang administration of justice at access sa judicial services.
Ayon sa DBM, isinama sa FY 2027 NEP ang orihinal na budget proposal ng Supreme Court, alinsunod sa judicial independence at Judiciary Fiscal Autonomy Act.
Kasunod naman ng tumitinding panganib mula sa mga sakuna, P45.67 bilyon ang iminungkahi para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Mas mataas ito ng 14.68% kumpara sa FY 2026 General Appropriations Act (GAA) na gagamitin para sa paghahanda, pagtugon at pagbangon ng mga komunidad mula sa mga kalamidad.
Habang sisimulan ng Kongreso ang pagtalakay sa 2027 NEP, binigyang-diin naman ni Appropriations Chairperson Mikaela Angela B. Suansing ang kahalagahan ng transparency, accountability at safeguards sa proseso ng pagbuo ng national budget.
Ipagpapatuloy aniya ng Kamara ang mga repormang isinagawa noong nakaraang budget cycle, kabilang ang mas malaking transparency sa budget deliberations, public access sa proceedings at ppaglalagay ng mekanismo para sa mga budget amendment.
Kaugnay nito, tiniyak din ni De Leon na ipagpapatuloy ng DBM ang pagsusulong ng transparency, accountability, fiscal discipline at integridad mula sa paghahanda hanggang sa implementasyon ng pambansang badyet.
Sa ilalim ng temang “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future,” layunin ng FY 2027 National Budget na ituon ang limitadong pondo ng pamahalaan sa edukasyon, kalusugan, food security, social protection, imprastraktura, oportunidad sa ekonomiya at paghahanda sa mga sakuna. – VC











