
Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang makasaysayang P85 na dagdag-sahod para sa mahigit 1.1 milyong minimum wage earners sa National Capital Region (NCR) matapos itong pormal na pagtibayin kasama ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Sa isinagawang “Pulong Talakayan kasama si Secretary Tolentino” sa Malabon City ngayong araw, Hunyo 30, sinabi ng kalihim na ito na ang pinakamalaking single daily minimum wage increase na naipatupad sa Metro Manila, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-27, ipatutupad ang dagdag-sahod sa dalawang tranche.
Ang unang bahagi na P60 ay magiging epektibo sa Hulyo 19, 2026, habang ang natitirang P25 ay ipatutupad sa Enero 20, 2027.
Sa oras na ganap na maipatupad ang wage order, magiging P780 na ang arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector sa NCR.
Samantala, magiging P743 naman ang minimum na arawang sahod para sa mga manggagawa sa agriculture sector (plantation at non-plantation), mga service at retail establishment na may 15 manggagawa o pababa, at mga manufacturing establishment na regular na may 10 empleyado pababa.
Nagpasalamat naman si Tolentino sa mga employer sa kanilang suporta sa wage adjustment at hinimok ang mga ito na mahigpit na sumunod sa bagong wage order upang matiyak na makikinabang ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya.
Ayon sa DOLE, magsasagawa ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) at ang Regional Wage Board ng information campaign upang matiyak ang tamang pagpapatupad ng wage order, at magbigay ng tulong sa mga negosyo na tugunan ang posibleng wage distortions.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng pagsusuri at konsultasyon ang iba pang regional wage boards bilang pagtugon sa direktiba ng Pangulo na simulan ang assessments, 60 araw bago ang anibersaryo ng kanilang pinakahuling wage adjustment. – VC











