IBCTV13
www.ibctv13.com

Pag-IBIG Fund, may alok na hanggang P10K loan sa mga kwalipikadong miyembro sa harap ng epekto ng Middle East war

Dar Lumocso
270
Views

[post_view_count]

(Photo from Pag-IBIG)

Nagbukas ng hanggang P10,000 loan ang Pag-IBIG Fund para sa mga kwalipikadong miyembro nito sa ilalim ng Special Assistance for Financial Emergencies (SAFE) Loan upang makatulong sa kanilang mga pangangailangan sa gitna ng epekto ng kaguluhan sa Middle East.

Inilunsad ng Pag-IBIG ang SAFE Loan upang mabigyan ng agarang tulong pinansyal ang mga miyembro na nangangailangan ng karagdagang pondo para sa kanilang araw-araw na gastusin, gaya ng gasolina, kuryente, transportasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa ilalim ng SAFE Loan, maaaring makahiram ng hanggang P10,000 o hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings kung saan mayroon itong 5.95% na mababang interes kada taon at maaaring bayaran sa loob ng isa, dalawa, o tatlong taon depende sa napiling termino ng miyembro.

Pinapayagan din sa SAFE Loan ang mga miyembrong mayroon nang umiiral na Multi-Purpose Loan o Calamity Loan basta hindi lalampas sa itinakdang 90% limit ng kanilang Pag-IBIG Regular Savings ang kabuuang halaga ng kanilang short-term loans.

Para mga nais mag-avail, kinakailangan lamang magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG o sa alinmang branch ng Pag-IBIG Fund hanggang Setyembre 8.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary and Pag-IBIG Fund Board Chairman Jose Ramon P. Aliling, ang programa ay bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga Pilipino alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng maagap at praktikal na tulong sa mga mamamayan sa panahon ng pangangailangan.

Ito ay kasunod ng naunang inilunsad na special assistance package para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na na-repatriate mula sa Middle East.

“President Marcos has directed government agencies to bring timely and practical help closer to Filipino families, especially in times of need. In response, Pag-IBIG Fund is offering the SAFE Loan so qualified members may have access to affordable cash assistance for urgent household needs, especially as the effects of the Middle East conflict continue to be felt in fuel, electricity, transport and other daily expenses here at home,” ayon kay Aliling. – VC