IBCTV13
www.ibctv13.com

Pag-IBIG Fund, may alok na promo sa housing loan rates para sa mga manggagawang Pilipino

Michael Peronce
94
Views

[post_view_count]

(Photo courtesy of PIA)

Sa layuning gawing mas abot-kaya ang pagkakaroon ng sariling tahanan ng mga manggagawang Pilipino, nag-aalok ngayon ang Pag-IBIG Fund ng promotional home loan rates para sa mga miyembrong bibili ng mga bahay na lampas sa itinakdang socialized housing price ceiling, sa halagang hanggang P10 milyon.

Karugtong ito ng naunang hakbang ng Pag-IBIG Fund na itaas ang maximum housing loan amount sa P10-M kada borrower, na nagbigay sa mga miyembro ng mas maraming financing options para sa mga tahanan na aangkop sa kanilang pangangailangan, kita, at sitwasyon ng pamilya.

Sa ilalim ng promo rates, magkakaroon ng taunang interest rate na 4.5% na may tatlong taong fixed period, ang housing loan o installment amounts na lampas sa kasalukuyang socialized housing price ceiling na hanggang P950,000 para sa house-and-lot units, hanggang P1.8 -M para sa condominium units, at hanggang P2.5-M para sa low-cost house ceiling.

Itinakda naman sa taunang interest rate na 5.75% sa loob ng tatlong taong fixed period ang housing loan o installment amounts na lampas sa itinakdang P2.5-M low-cost housing ceiling hanggang P10-M.

Sa oras na matapos ang tatlong taong fixed period, muling itatakda ang interes ng pautang batay sa panahong pinili ng nangutang para sa “reprising” o muling pagsasaayos ng interes.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Board Chairman Jose Ramon Aliling, ang promo rates ay bahagi ng nagpapatuloy na hakbang ng Pag-IBIG sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang na rito ang mas pinalawak na access sa home financing, pagpapaigting ng industriya ng pabahay, at tuluy-tuloy na pagtulong sa mas maraming Pilipinong pamilya na makamit ang pagkakaroon ng sariling tahanan.

“We continue to heed the directive of President Marcos to make decent and affordable homes more accessible to Filipino families,” pahayag ni Aliling.

Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, direktang mararamdaman ang mas pinababang rates ng mga miyembro sa pamamagitan ng mas pinababang monthly amortizations lalo na sa unang tatlong taon ng kanilang housing loan.

Maaaring mag-avail ang kwalipikadong miyembro ng promotional rates para sa Pag-IBIG Housing Loan at Pag-IBIG Acquired Assets Long-Term Installment Payment hanggang Disyembre 31, 2026. – VC