Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order (AO) 24 na nag-institutionalize sa ‘one-stop electronic travel declaration system’ na Electronic Travel Information (eTravel) sa bansa.
Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang pamahalaan na gamitin ang eTravel para sa mas pinahusay na border control at health surveillance, partikular sa mga lalabas at babalik na pasahero at crew members sa Pilipinas.
Nakasaad sa AO na isang Technical Working Group (TWG) ang bubuuin upang pag-aralan kung paano mapapalakas ang pagpapatupad ng eTravel system, kabilang ang paggamit, pamamahala at operasyon nito na nakasunod sa umiiral na batas at panuntunan at regulasyon.
Ang naturang TWG ay nakatakdang pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang Bureau of Immigration (BI) bilang co-chair.
Magiging miyembro nito ang Department of Tourism (DOT), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Transportation, Bureau of Quarantine (BOQ), at Bureau of Customs (BOC).
Nagpaalala mismo si Pangulong Marcos Jr. sa TWG at iba pang kaugnay na ahensya at departamento na tiyakin ang pagsunod sa Republic Act (RA) No. 10173 o ang Data Privacy Act.
Matatandaang inilunsad ng DICT, BI, DOT, BOQ, at BOC ang eTravel System platform noong Disyembre 2022 upang mapabilis ang iba’t ibang ‘travel declaration procedures’ para sa mga international inbound passengers.
Matapos ang ilang buwan, pinalawak pa ito noong Abril 2023 para naman isama ang lahat ng international outbound passengers, gayundin ang mga crew members na papasok at lalabas ng bansa. -VC