IBCTV13
www.ibctv13.com

Pag-iwas sa dengue, mabilis na paghupa ng baha, tututukan ng pamahalaan sa pagpasok ng tag-ulan

189
Views

[post_view_count]

IBC File Photo

Pinaigting na ng pamahalaan ang mga hakbang sa kalusugan at imprastraktura bilang paghahanda sa nalalapit na tag-ulan, kabilang ang pagpapalakas sa kampanya laban sa dengue at ang pagpapatuloy ng mga proyektong naglalayong mabawasan ang epekto ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa press briefing ngayong Martes, Hunyo 2, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na isinusulong ng Department of Health (DOH) ang kampanya nitong “4 O’Clock Habit” o ang “taob, taktak, tuyo, at takip” upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng dengue kasabay ng Habagat season.

Ayon kay Castro, kaakibat ito ng pahayag ng World Health Organization (WHO) na ang vector control ang pangunahing paraan upang mapigilan ang pagkalat ng dengue.

Sa parte naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Secretary Vince Dizon na patuloy na tumatakbo ang mga proyekto sa ilalim ng “Oplan Kontra Baha” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos ilunsad noong Nobyembre 2025.

Kabilang sa mga hakbang ang rehabilitasyon ng drainage systems, paglilinis ng mga estero at daluyan ng tubig, at pagpapahusay ng mga pumping station sa Metro Manila at iba pang flood-prone areas.

Bagaman hindi magagarantiya ang isang flood-free na Pilipinas sa panahon ng tag-ulan, tiniyak ng kalihim na unti-unting nababawasan ang malawakang pagbaha sa mga kalimitang lugar.

Ayon kay Dizon, mas mabilis na ngayong humuhupa ang baha sa G. Araneta Avenue at A. Bonifacio Avenue sa Quezon City, at Taft Avenue sa Pasay City, kumpara sa mga nakaraang taon, matapos ang isinagawang drainage projects.

Tiniyak naman niya na magpapatuloy ang dredging, declogging, at paglilinis ng mga daluyan ng tubig at agad na magpapadala ng mga maintenance crew sa mga lugar na apektado ng nakaraang mga pagbaha. – VC