IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagbaba ng inflation, bunga ng mga hakbang sa ilalim ng UPLIFT – Malacañang

Kristel Isidro
78
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of PIA

Ikinatuwa ng Malacañang ang pagbaba ng inflation rate sa 6.8% nitong Mayo, na maituturing bilang positibong balita para sa mga pamilyang Pilipino dahil sa inaasahang paggaan ng epekto sa kanilang gastusin.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang pagbaba ng inflation ay nagpapakita ng mga paunang bunga ng mga hakbang na ipinatutupad sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) strategy ng pamahalaan.

“Ang pagbaba ng inflation sa 6.8% nitong Mayo ay magandang balita para sa mga pamilyang Pilipino. Senyales ito na unti-unti nang nagbubunga ang mga hakbang ng pamahalaan sa ilalim ng UPLIFT strategy,” ani Castro.

Sa kabila nito, hindi magpapakampante ang Palasyo at magpapatuloy pa sa pagsisikap upang mapanatili ang pagbaba ng inflation.

Ayon kay Castro, nananatiling maingat ang pamahalaan dahil sa mga umiiral na banta sa labas ng bansa, kabilang ang posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at epekto ng El Niño.

“Hindi pa tayo kampante. May mga banta pa rin tulad ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis at epekto ng El Niño,” aniya.

Sinabi ni Castro na magpapatuloy ang administrasyon sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin, at makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, bumaba ang antas ng inflation mula 7.2% noong Abril patungong 6.8% noong Mayo, dahilan upang umabot sa 4.5% ang average inflation rate ng bansa mula Enero hanggang Mayo ngayong taon. – VC