
Inaasahang mararamdaman na ng mga Pilipino ang epekto ng patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kasabay ng pagbuti ng sitwasyon sa Middle East, ayon sa Japanese group na Nomura.
Ayon sa Nomura, isa ang Asya sa mga pangunahing makikinabang sakaling magtuloy-tuloy ang pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng United States at Iran, dahil magdudulot ito ng mas mababa at mas matatag na presyo ng krudo.
Tinatayang bawat 10% na pagbaba sa presyo ng langis ay katumbas ng 0.5% na pagbagal sa antas ng inflation.
Sa kasalukuyan, nasa $75 kada bariles ang presyo ng krudo, mas mababa kumpara sa $95 noong simula ng Hunyo 2026, at sa higit $100 noong kasagsagan ng sigalot sa Middle East noong Marso.
Naitala ang antas ng inflation sa Pilipinas sa 7.2% noong Abril, at bumaba sa 6.8% noong Mayo.
Ayon sa mga ulat, nakatulong dito ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT), isang whole-of-government framework, na layuning maibsan ang epekto ng sigalot sa Middle East sa bansa.
Alinsunod sa UPLIFT, nagtulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pamamagitan ng iba’t ibang inisyatiba at suporta sa sektor ng agrikultura at transportasyon, na kabilang sa mga sektor na higit na naapektuhan ng paggalaw ng presyo ng langis.
Sa pagtataya ng Nomura, mananatili pa rin sa 5.5% ang average inflation sa Pilipinas ngayong 2026, na bahagyang mas mataas sa target ng pamahalaan. – VC











