Umarangkada na ang pagbabakuna ng Vietnam-developed African Swine Fever (ASF) live vaccine ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) sa mga alagang baboy sa Lobo, Batangas na isa sa mga munisipalidad na may pinakamataas na kaso ng ASF ngayong Biyernes, Agosto 30.
Tanging ang mga malulusog na baboy lamang ang tinurukan ng ‘live but weakened virus’ para sa kanilang ‘immunity’ mula sa mas malakas na impeksyon ng ASF.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, makatutulong ang hog immunity upang mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit na namemerwisyo sa multi billion-peso hog industry mula pa noong 2019.
“ASF has severely affected both large integrators and backyard farms. While larger farms can invest in biosecurity measures, 60% of our hog population in backyard farms struggle with insufficient funding for effective protection,” paliwanag ni Palabrica.
“We must embrace innovative solutions like this vaccine to improve outcomes for our hog industry,” dagdag nito.
Una nang binigyang-diin ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na mahalaga ang paghahanap ng angkop na bakuna kontra ASF upang mapangalagaan ang bilyun-bilyong pamumuhunan at mapasigla ang mga kabukiran at matiyak ang seguridad ng pagkain sa bansa.
“This effort highlights DA’s commitment to safeguard the swine industry and enhance national food security amid the ASF crisis. We’re dedicated to support hog farmers and ensure wthe sustainability of our agriculture sector,” saad ni Laurel.
Sa kasalukuyan, nasa 32 lalawigan pa rin ang patuloy na humaharap sa ASF virus.
Kabilang dito ang 87 barangay sa North Cotabato; 69 sa Mindoro; at 66 sa Batangas.
Naitala rin ang iba pang aktibong kaso sa La Union, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Marinduque, Oriental Mindoro, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, Aklan, Cebu, Negros Oriental, Leyte, Samar, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Davao Occidental, North Cotabato, Sultan Kudarat, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Basilan. -VC