
Ibabalik na muli ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tax audit matapos ang dalawang buwang paghinto nito para suriin ang mga umiiral na tuntunin at proseso, tukuyin ang kahinaan ng audit system, at tugunan ang mga overlapping audits at umano’y panggigipit sa mga negosyo.
Ayon sa BIR, bahagi ito ng D.A.R.E.S agenda ng ahensya na kasalukuyang inilulunsad para sa pagpapaigting ng audit reform.
Kaugnay nito, nagkaroon ng pagrebisa sa mga bagong patakaran kabilang na ang mandato kung saan isa na lamang ang maaaring ilabas na Letter of Authority (LOA) sa bawat taxpayer kada taxable year, pagbuwag ng Vat Audit Unit (VATAU) at Value-Added Tax Audit Section (VATAS), at paglimita ng audit authority sa mga regional offices at mga malalaking taxpayers service.
Bukod dito, maari nang gawin ang beripikasyon ng mga LOA gamit ang website ng BIR bilang bahagi ng modernisasyon nito upang maiwasan ang mga peke at kahina-hinalang audit orders.
Ayon kay Federation of the Philippine Industries (FPI) Chairperson Elizabeth Lee, mahalagang kasangkapan ng audit system ang LOA kaya naman ang pagkakaroon ng malinaw na batayan na bunga ng pagiging modernisado ng proseso ay napakahalaga upang maisulong ang patas at malinaw na tax enforcement at maiwasan ang anumang pang-aabuso lalo na sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Sinabi naman ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Vice President for Trade and Industry Bryan Ang na mahalaga ang maayos na implementasyon ng mga patakarang ito upang siguruhing hindi ito magagamit bilang instrumento ng pangha-harass laban sa maliliit na negosyante.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng MSMEs bilang malaking bahagi ng ekonomiya na nangangailangan ng makatarungan, malinaw, at hindi discretionary na audit system.
Kasama na rin sa pagbabalik ng tax audit ang pagkakaroon ng “audit-the-auditor” program upang siguruhin ang pananagutan ng mga revenue officer at maiwasan ang pagkabahala ng mga taxpayer.
Kumpiyansa si BIR Commissioner Charlito Mendoza na sa pamamagitan ng mga bagong patakaran ng bagong audit system, mas magiging malinaw at kontrolado na ang pagsasagawa ng mga audit. (Ulat ni Denisse Osorio, PTV/ISM) – VC











