
Ikinalugo ng Malacañang ang naging desisyon ng House Committee on Justice na ibasura ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang media interview sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nasiyahan ang Pangulo sa naging takbo ng proseso sa Kamara, lalo’t nasunod ang due process at masusing natalakay ang mga alegasyong nakapaloob sa mga reklamo.
Aniya, nawa’y magbigay-linaw ang desisyon sa mga Pilipino, dahil malinaw na nakita ng mga mambabatas na walang sapat na batayan ang dalawang reklamong inihain.
Dagdag pa ni Castro, nais na ng Pangulo na mag-move forward mula sa usapin ng impeachment, at ilaan ang kaniyang atensyon sa mas mahahalagang usapin gaya ng ekonomiya at pagpapabuti sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Samantala, mariing pinabulaanan ng Malacañang ang mga alegasyong tiwala umano si Pangulong Marcos sa pagbasura ng mga impeachment complaint dahil sa impluwensiya nito sa liderato ng Kamara.
Ayon kay Castro, maging ang ilang hindi kaalyado ng Pangulo, kabilang ang mga abogado at eksperto sa Konstitusyon, ay nagpahayag na mahina at walang merito ang mga reklamo.
Sa unang impeachment complaint, iisa lamang ang bumoto upang ideklarang sapat ang basehan ng reklamo, habang 42 ang tumutol at tatlong miyembro ng Makabayan bloc ang nag-abstain.
Ang reklamo ay inihain ni Atty. Andre de Jesus na nag-akusa sa Pangulo ng paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Samantala, sa ikalawang impeachment complaint na inihain ng Makabayan bloc, pito ang bumotong pabor sa mosyon habang 39 ang bumoto laban dito, kung saan walang naitalang bilang ng abstention. – VC











