
Tinitingnan ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng isang National Task Force na tututok sa pangmatagalang rehabilitasyon ng mga komunidad na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Kanlaon.
Sa isang situation briefing, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mas pinagtibay na koordinasyon sa pagitan ng concerned agencies at mga lokal na pamahalaan upang mas epektibong tumugon sa mga sakuna.
“Let’s decide what are the agencies that should be involved [in the task force]. And then sit down together with all the relevant agencies, and put together a plan,” saad ng Pangulo.
Kaugnay nito, inatasan na ng Pangulo ang Office of Civil Defense (OCD) para manguna sa nasabing task force at inirekumenda rin ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers sa labas ng six-kilometer danger zone upang matiyak ang kaligtasan ng mga lumilikas na pamilya.
Tinatayang 12,632 mga pamilya o katumbas ng 48,528 katao sa 28 lungsod at munisipalidad sa Western Visayas ang apektado ng pagputok ng Kanlaon.
Sa ngayon ay nakapamahagi na ng P95.6 milyong halaga ng tulong habang may nakapreposisyon na ring P144.04 milyong halaga ng relief goods para sa mga nasalanta.