Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang ligtas na paghahatid kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula sa Camp Crame sa Quezon City patungong Senado sa Lunes, Setyembre 9.
Ito’y matapos payagan si Guo ng Tarlac Regional Trial Court (RTC) na dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, alinsunod sa kahilingan ni Senator Risa Hontiveros.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo na pagsusuotin ang sinibak na alkalde ng bulletproof vest bilang karagdagang proteksyon.
Isasakay din aniya ito sa isang ‘secured car’ kasama ang mga female police officers habang naka-convoy ang ibang miyembro ng Special Weapons and Tactics Team (SWAT).
“We have to take into consideration what she said that she has been receiving death threats. So just like any individual with a threat to life, we have to take this seriously,” pagbibigay-diin ni Fajardo.
Matatandaang ilang beses hindi sumipot si Alice Guo sa mga pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkakasangkot nito sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa. -VC