IBCTV13
www.ibctv13.com

Paghigop ng langis mula sa lumubog na MTKR Terranova, posibleng matapos ngayong Biyernes

Alyssa Luciano
243
Views

[post_view_count]

Philippine Coast Guard continues with its siphoning operation for the capsized MTKR Terranova in Bataan. (Photo by PCG)

Inaasahang matatapos na ang siphoning operation o ang paghigop sa tumapon na langis mula sa lumubog na motor tanker Terranova sa Limay Bataan ngayong darating na Biyernes, Setyembre 13 ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Batay sa huling tala ng PCG, nakakolekta ang contracted salvor nito na Harbor Star ng 61,153 litro ng langis mula sa katubigan ng Bataan nitong Martes, Setyembre 10.

Sa kabuuan, aabot na sa 1,384,211 litro ng langis ang nahigop ng PCG at Harbor Star sa naturang katubigan magmula nang umpisahan ang siphoning operation dito noong Agosto 19 hanggang kahapon.

Matatandaan noong Hulyo 25 ngayong taon ay lumubog sa katubigan ng Limay, Bataan ang MTKR Terranova na may sakay na aabot sa 1.5 milyong litro ng langis na nagdulot ng oil spill sa ilang bahagi ng probinsya, maging sa iba pang karatig na lugar.

Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), as of September 6, aabot na sa 217 barangay mula sa Region 3 at Region 4-A (CALABARZON) ang apektado ng tumagas na langis mula sa naturang insidente.

Kaugnay nito, 21 lungsod at munisipalidad naman mula sa Region 3 at CALABARZON ang nasa ilalim pa rin ng state of calamity. – VC

Related Articles