Tinawag ng Malacañang na walang moral na awtoridad si dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo upang kuwestyunin ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilabas ang Executive Order 81, kung saan nag-uutos ng reorganization sa National Security Council (NSC).
Sa reorganisasyon ng NSC, opisyal nang tinanggal si Vice President Sara Duterte mula sa konseho kasama ang mga dating Pangulo ng bansa.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang mga pag-atake ni Panelo sa naging kautusan ng Pangulo ay hindi makatuwiran lalo na at hindi na ito bago sa kanya noong siya pa ang presidential adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Mayroon akong nabasa something that reminded me that Panelo, during his time as presidential adviser, advocated the exclusion of then vice president Leni Robredo [from the cabinet],” pahayag ni ES Bersamin.
“So, he has no moral authority to question the decision of the President,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Bersamin na ang NSC ay nagsisilbing advisory body ng Pangulo bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines.
Dahil dito, responsibilidad ng Pangulo na tiyakin na nasa kanya ang buong tiwala at kumpiyansa ng sinumang magiging tagapayo niya sa konseho.
Pinagtibay pa ni Bersamin ang ganap na kapangyarihan ng Pangulo na ireorganisa ang mga tanggapan ng gobyerno.
“Walang kaming personalan,” paliwanag ng opisyal. – VC