Ipagpapaliban muna ng Department of Transportation ang pagpapataw ng multa sa mga motoristang lalabag sa mga alituntunin ng lahat ng expressway sa National Capital Region (NCR) at mga karatig nitong lugar kung saan mula sa nakatakdang Oktubre 1, inilipat na ito sa susunod na taon.
Ang pagpapatupad ng penalty na nakasaad sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 ay nakasunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan pa ng kaunting panahon na pag-aralan ang implementasyon nito bilang bahagi ng kanyang layunin na tugunan ang problema ng trapiko sa bansa.
Kabilang sa mga paglabag na papatawan ng multa ay ang kawalan ng isang motorista ng Radio Frequency Identification (RFID) sticker pati na ang kawalan ng sapat na load sa mga toll gates.
Alinsunod sa memorandum, posibleng magmulta ang mga motoristang papasok sa tollway ng walang RFID ng P1,000 para sa first offense; P2,000 sa second offense; at P5,000 sa mga susunod na offense.
May multa naman na P500 sa first offense; P1,000 sa second offense; at P2,500 sa mga susunod na offense para sa mahuhuling walang load sa kanilang RFID.
Nauna nang inanunsyo ng DOTr na ililipat nito ang pagpapatupad ng implementasyon ng penalty sa tollway mula Agosto 31 patungong Oktubre 1.