
Tinalakay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at United States (US) Secretary of State Marco Rubio ang pagpapaigting ng ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos sa isang produktibong pag-uusap sa telepono nitong Lunes, Hunyo 1, ayon sa Malacañang.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Press Officer Claire Castro na nakatuon ang pag-uusap sa higit pang pagpapatibay ng matagal nang alyansa ng dalawang bansa, kabilang ang mga usapin sa seguridad sa enerhiya, kooperasyong pang-ekonomiya, at iba pang mahahalagang prayoridad sa seguridad.
Ayon kay Castro, kapwa binigyang-diin ng Pangulo at ni Rubio ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan at seguridad sa rehiyon, lalo na sa West Philippine Sea (WPS).
“Sa kanilang pag-uusap, binigyang-diin ang kahalagahan ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon partikular sa South China Sea, kung saan kapwa kinikilala ang pangangailangang itaguyod ang katatagan at maiwasan ang mga tension sa rehiyon,” ani Castro.
Binigyang-diin din ni Castro ang malalim na ugnayang Pilipinas-Estados Unidos, kasabay ng paggunita ng dalawang bansa sa ika-80 anibersaryo ng diplomatikong relasyon at ika-75 taon ng pormal na alyansa ngayong 2026.
“Ang pahayag na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatibay ng alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos at sa magkatuwang na adhikain ng dalawang bansa para sa kapayapaan, kaunlaran, at katatagan sa rehiyon,” dagdag ni Castro. – MP











