
Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program ng Department of Agriculture (DA) at Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa South Cotabato ngayong Huwebes, Hunyo 25.
Kasama ng Pangulo sa pagbisita sina DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian upang suriin ang mga programang bahagi ng whole-of-government approach ng administrasyon laban sa kagutuman at kahirapan.
Target ng dalawang programa na makatulong sa 600,000 food-poor households ngayong 2026 at 750,000 pagsapit ng 2027.
Ayon sa pamahalaan, nasa 7,728 benepisyaryo ng WGP sa lalawigan ang kasalukuyang nakikinabang sa farm-to-table partnership ng DA at DSWD.
Sa ilalim ng programa, direktang iniuugnay ang mga ani ng lokal na magsasaka sa mga pamilyang nangangailangan ng pagkain.
Layunin ng EPAHP at WGP na palakasin ang food security sa bansa habang pinabubuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mas tiyak at matatag na pamilihan para sa kanilang mga produkto.
Kasabay ng kanyang pagbisita sa South Cotabato, nagtungo rin ang Pangulo sa Koronadal City upang pangunahan ang ceremonial turnover ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) na nagkakahalaga ng P96 milyon para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato.
Ang pondo ay inaasahang gagamitin para sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyektong pangkaunlaran at serbisyong panlipunan na magbibigay ng karagdagang suporta sa mga komunidad sa lalawigan. – VC











