IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagsasabatas sa PH Maritime Zones Act, suportado ng Estados Unidos

Ivy Padilla
256
Views

[post_view_count]

Nagpaabot ng suporta ang United States of America sa pagsasabatas ng Pilipinas sa Maritime Zones Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes, Nobyembre 8.

Sa isang pahayag, sinabi ng U.S. na maraming bansa kabilang ang mga kapwa miyembro sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang nagpatupad ng parehong batas sa nakalipas na mga taon.

Binigyang-diin ng kaibigang bansa na suportado nito ang pagsunod ng Pilipinas sa ‘international law’ partikular na pagdating sa isyu sa South China Sea.

Hinimok ng Estados Unidos ang iba pang mga bansa na magkaroon ng paninindigan sa kanilang nasasakupang teritoryo nang naaayon sa nakasaad sa pandaigdigang batas.

Nitong Biyernes, pinirmahan na ni Pangulong Marcos Jr. ang Philippine Maritime Zones Act at ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na layong palakasin ang mga karapatan ng Pilipinas pagdating sa mga sakop na maritime zones.

Sa ilalim ng Philippine Maritime Zones Act ay idedeklara ng bansa ang maritime zones nito tulad ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zones, at exclusive economic zones (EEZ) alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Samantala, ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act naman ay magtatatag ng ‘archipelagic sea lanes and air routes system’ para sa mga dayuhang sasakyang-pandagat at panghimpapawid upang sa gayon ay hindi makompromiso ang seguridad ng bansa.

Nakikitang makatutulong ang dalawang bagong batas sa patuloy na pagtatanggol ng Pilipinas sa mga sakop nitong karagatan at teritoryo.