Nakatakdang isagawa ang tradisyunal na “Pahalik” sa Poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand sa Maynila simula sa Martes, Enero 7.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng paghahanda hanggang sa mismong araw ng kapistahan ng Poong Nazareno sa darating na Enero 9.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang “Misa Mayor” sa hatinggabi ng mismong araw ng Pista.
Matapos ang misa ay susundan ito ng prusisyon ng Poong Nazareno mula Quirino Grandstand patungo sa Quiapo Church.
Inaasahan na libu-libong deboto ang dadalo sa Traslacion ngayong taon dahil mas maluwag na ang protocols kumpara noong may COVID-19 pandemic.
Kamakailan nang iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may kabuuang 12,168 pulis ang ipadadala sa iba’t ibang lugar sa Maynila upang masiguro ang kaligtasan publiko. – VC